Muli na namang umatake ang grupo ng motorcycle riding on tandem na mga holdaper matapos harangin ang isang kotse ay tangayin ang halagang P200,000 na winithdraw ng magkakapatid na biktima sa isang banko kamakalawa ng hapon sa Pasig City.
Kinilala ang magkakapatid na biktima na sina Jennifer, 31, Jaqueline, 27, at Kane Chua, 24, na ngayon ay nagpapagaling sa ospital matapos magtamo ng dalawang tama ng baril sa hita at kamay, pawang mga residente ng Essensa Towers, Makati City.
Ayon sa ulat, naganap ang panghoholdap dakong alas-3:15 ng hapon sa kahabaan ng Julia Vargas Brgy. Ugong ng lungsod na ito.
Nauna rito, nagwithdraw ng nasabing halaga ng pera ang mga biktima sa Metrobank, Libis, Quezon City Branch. Pauwi na ang magkakapatid lulan ng kanilang Toyota Rav 4 na may plakang ZHX-158 at binabagtas ang lugar ay bigla na lang silang dinikitan ng dalawang motorsiklo sa magkabilang bahagi ng sasakyan. Agad silang pinaputukan ng dalawang beses na parehas tumama kay Kane na siyang nagmamaneho ng sasakyan.
Matapos huminto ang sasakyan ay agad na pinabuksan ng mga suspek ang pinto at kinuha ang nasabing pera bago mabilis na tumakas. Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya para sa ikalulutas ng kaso. (Edwin Balasa)