MCS kakasuhan ng MPD
Nakahanda ang Manila Police District-Homicide Division na sampahan ng kasong obstruction of justice ang pamunuan ng Malate Catholic School (MCS) dahil sa patuloy nitong hindi pakikipagtulungan sa pulisya para lumitaw ang katotohanan sa likod ng pagtalon at pagkamatay ng isang grade 3 pupil sa loob ng school compound noong Setyembre 17, 2007 sa Malate, Maynila.
Ito ang naging pahayag kahapon ni Det. Jaime Gonzales Jr., ng dahil sa hindi pagbibigay ng impormasyon ng MCS kaugnay sa pagpapakamatay ng biktimang ni Kristine Ariane Cuenca, 9, grade 3 pupil at residente ng #186 J. Viscara St., Baclaran, Parañaque City.
Sinabi ni Gonzales na nagtungo siya noong Setyembre 20 sa nabanggit na eskuwelahan subalit tila hindi nakikipagtulungan ang pamunuan ng MCS hinggil sa ginawang pagtalon ng biktima mula sa ikaapat na palapag ng Our Lady of Remedies Building ng naturang eskuwelahan.
Maging si Antonio Idao, foreman ng Magnasor Engineering Services na saksi sa pagtalon ng biktima ay bantulot ding magbigay ng anumang impormasyon at nakiusap pa ito kay Gonzales na huwag muna itong magbigay ng detalye.
Naging palaisipan din sa pulisya, ang hindi pagpapa-autopsiya sa bangkay ng biktima upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagpapakamatay ng bata.
Bunsod nito’y , inobliga ni P/Chief Inspector Alejandro Yanquiling Jr., hepe ng MPD-Homicide Section na mag-report sa kanilang tanggapan ngayong araw (Lunes) ang adviser at teacher ng biktima maging si Idao at ang security guard ng eskuwelahan kaugnay sa naganap na insidente. (Grace Amargo-dela Cruz)
- Latest
- Trending