Smokey magiging “Silicon Mountain”
Matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang legalidad ng Smokey Mountain Development and Reclamation Project, malaya nang maisusulong ang programa para gawin ang lugar na sentro ng information technology at tatawaging Silicon Mountain gaya ng Silicon Valley ng United States.
Sa pahayag ni Fr. Ben Beltran, parish priest ng Smokey Mountain sa Balut, Tondo, Manila, ito ang magiging kauna-unahang “digital community” sa bansa na naglalayong magbigay ng serbisyo ng mga IT experts lalu na sa data encoding sa iba’t ibang organisasyon o negosyo sa mundo.
Sinabi ng pari na tumanggap na ng alok ang komunidad para lumahok sa bidding ng World Vision na mangangailangan ng maraming data encoders sa misyon nitong tumulong sa mga dahop na bansa, lalo na yung mga sinalanta ng kalamidad.
Ayon kay Beltran, pati ang mga computers ay donasyon ng mga indibidwal at samahang nag mamalasakit sa kanilang programa. Ngayon, may mga IT professional na mula sa Smokey Mountain na nagtatrabaho sa mga malalaking kompanya lalo na sa Makati.
Inihayag din ni Beltran ang planong magtayo ng isang IT university sa naturang komunidad na tinatawag na ring Paradise Heights.
- Latest
- Trending