Lisensiya para sa GRO pinag-aaralan
Inutos ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang pansamantalang pagpapatigil sa inspection sa mga videoke at sing-along bars hangga’t hindi naaayos ang mga regulasyon para sa pag-iisyu ng mga lisensiya sa mga waitress at guest relations officers at mga buwis na dapat bayaran ng nasabing establisimyento.
Kasabay nito, tiniyak din ni Lim sa mga bar owners na walang anumang gagawing “unnecessary inspections” ang city hall habang inaayos pa ang pagpapalabas ng permit o lisensiya.
Sa kanyang pagsasalita sa induction ng officer ng Manila Entertainment Music Lounge Association sa pangunguna ni Renato Recto, sinabi nito na titiyakin niyang walang pulis o sinumang empleyado ng city hall ang mananamantala dito dahil magkakaroon sila ng bagong sistema.
Lumilitaw naman sa sintimyento ng MEMLA members, kailangan nilang magbigay ng lingguhang ‘payola’ upang hindi gipitin o ipasara ang kanilang bar.
Dahil dito, hiniling din ng MEMLA kay Lim na magbigay ng kaukulang lisensiya sa mga GRO, kung saan handa naman umano silang magbayad ng kaukulang buwis.
Sinabi naman ng alkalde na pag-aaralan nilang mabuti ang pagbibigay ng lisensiya sa mga GRO dahil ang mga ito ay hindi pinapayagang ilabas ng kanilang kustomer. (Doris Franche)
- Latest
- Trending