Masuwerteng nakaligtas sa pinapaniwalaang sumpa ng kantang “My Way” ang isang miyembro ng Guardian matapos na ito’y tambangan ng isang di-nakikilalang lalaki habang sakay ng kanyang tricycle ilang minuto matapos ang pag-awit niya ng nasabing kanta sa isang videoke bar sa lungsod ng Caloocan kamakalawa ng gabi.
Mapalad si Nestor Manalo, 47, may-asawa ng Barangay 176, Bagong Silang sa lungsod dahil sa kaliwang binti lamang siya natamaan ng bala nang barilin ng suspek.
Kagagaling lamang ng biktima sa pakikipag-inuman sa isang videoke bar kung saan ito kumanta ng ilang kanta kasama ang My Way nang maganap ang pananambang.
Sinasabing sa ulo sana ng biktima ang puntirya ng suspek ngunit mabilis na nakalayo ang tricycle kaya sa binti lamang tinamaan ang biktima. (Ricky Tulipat)