Patay ang isang lalaki makaraang barilin ng kanyang bayaw dahil sa pagmamatigas nito na lisanin ang inuupahang bahay na pag-aari ng suspek, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Malvar General Hospital ang biktimang nakilalang si Ernesto Amparo, 52, negosyante, at residente ng #20-B Sto. Domingo St., Holy Spirit, ng naturang lungsod.
Pinaghahanap naman ngayon ang tumakas na suspek na si Ruden Salud, alyas Sakay, 56, at residente ng #18-B Sto. Domingo St., ng naturang barangay.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8 ng gabi sa tapat ng bahay ng biktima.
Nabatid na si Amparo ay dating asawa ng kapatid na babae ni Salud na nanirahan sa paupahang bahay ng suspek. Hindi naman umalis ng naturang bahay si Amparo nang makipaghiwalay dito ang asawa nito.
Sa imbestigasyon, pinalalayas na ni Salud ang biktima sa pag-aari niyang bahay ngunit nagmatigas ito. Isang pagtatalo ang sumiklab hanggang sa maghamon na ang suspek nang duwelo sabay bunot ng dala nitong armas. Dito sumakay ng kanyang brown na Mitsubishi Lancer (PHA-356) ang biktima upang umiwas sa suspek kung saan dito na siya pinaputukan nito. Nagawa namang makalabas ng kotse at makapasok ng bahay ng biktima ngunit sinundan pa rin ito ni Salud kung saan tiniyak ang kamatayan ni Amparo nang muli itong barilin.
Mabilis na tumakas ang suspek sakay ng kotse ni Amparo habang isinugod naman ito ng mga kaanak sa pagamutan kung saan binawian ito ng buhay. (Danilo Garcia)