Itinuturing na lutas na ng pulisya ang brutal na pagkakapaslang sa isang negosyanteng Tsinoy kamakailan sa Binondo, makaraang masakote ang isa sa tatlong salarin nito sa Parola Compound, kahapon.
Iniharap kahapon ni Manila Mayor Alfredo Lim si Richard Santos, 23, matapos maaresto ng mga tauhan ng MPD Station 11 habang tangkang papatakas sa Area D Gate 17 ng Parola Compd., Tondo, Maynila.
Si Go ay nakitang tadtad ng saksak sa loob ng kanyang opisina sa Lambee Bldg. na nasa kanto ng Carvajal at Pinpin Sts., Binondo, Manila, noong Agosto 15, 2007.
Nabatid na naghiganti sina Santos at dalawa pang pahinante na sina Jojo Tan at Ronald Sales kay Go makaraan silang pagmumurahin nito nang matuklasan ng biktima na sa iba idineliber ng mga suspek ang limang sakong bigas na dapat sana ay sa kostumer nito.
Makaraang pagalitan ay sinundan ng tatlong salarin ang biktima sa kanyang opisina at saka pinagsasaksak. Pitong tama ng saksak ang tinamo ng biktima mula sa tatlong suspek na agad nagsitakas matapos ang krimen. (Doris Franche)