Call center agent patay sa 3 armado

Patay ang isang 21-anyos na call center employee maka­raang pagbabarilin ito ng tatlong armadong kalalakihan, kahapon ng madaling-araw sa Parañaque City.

Tatlong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang agad na kumitil sa buhay ng bik­timang si Jayson delos Reyes, residente ng Ka­wa­yanan Area, Santol St., Brgy., Marcelo, Green  Village, nabanggit na lungsod.

Batay sa ulat ni PO2 Ryan Buccat ng Paraña­que Police-Criminal Investigation Division (CID), dakong alas-12:48 ng madaling-araw nang ma­ganap ang insidente malapit sa tricycle terminal ng Bgy. Marcelo Green Village ng nasabing lungsod.

Nabatid na kasalukuyang naglalakad ang biktima kasama ang kanyang  mga kaibigan nang biglang harangin ang mga ito ng tatlong armadong suspect. Bago ang pamamaril sa biktima ay una umanong hinamon ng suntukan ng mga suspect ang mga kaibigan ng una.

Upang hindi na umano magkagulo ay agad na kinumpronta ng biktima ang mga suspect, subalit agad na bumunot umano ng baril ang mga huli at sunud-sunod na pinaputukan ang una hang­gang sa duguan itong tumimbuwang sa kalsada.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng follow-up operation ang Parañaque Police upang ma­tukoy ang pagkakilanlan ng mga suspect para sa agarang pagkakaaresto ng mga ito. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments