Kasalukuyang tinutugis ng Manila Police District ang isang pedicab driver na hinihinalang suspek sa paggahasa at pagpatay sa isang babae na natagpuang tadtad ng saksak at hubad ang katawan sa isang kalye sa Malate, Maynila noong Sabado ng madaling-araw.
Kasabay nito, nakilala na rin ang biktima na si Christina Austria Aguilar, 18, isang Food Attendant sa Zeus Restaurant sa Zobel Roxas, Makati City at residente ng 2461 El Camachile, Singalong, Manila sa pamamagitan ng kapatid nito na si Flor na personal na nagtungo sa Popular Funeral Homes na kinalalagakan ng bangkay ng biktima.
Sinabi ni Chief Insp. Alex Yanquiling, Hepe ng MPD-homicide section, na susi ang driver ng pedicab na huling sinakyan ni Aguilar upang nagbigay liwanag sa pagkamatay ng biktima.
Posible din umanong ang naturang driver ang gumahasa at pumatay sa babae.
Ayon kay Flor, huli niyang nakitang buhay ang kanyang kapatid noong Biyernes ng umaga. Dagdag pa ni Flor na bandang hapon ay umalis sa bahay nila si Cristina at pumasok sa panggabing trabaho nito sa Makati City.
Nabatid na apat ang kasama ng biktima na pawang kasama niya sa trabaho nang umalis ito sa pinapasukan nilang restaurant noong Sa bado ng madaling-araw at pagsapit sa Vito Cruz ay nagkahiwa-hiwalay na sila. Subalit imbes na sumakay ng jeep ay lumulan ang biktima sa isang pedicab upang diretsong makauwi sa kanilang bahay dahil baha.
Pero hindi na nakauwi ang biktima hanggang sa na tagpuan na lamang ang kanyang bangkay dakong alas-5:20 ng umaga sa kanto ng Don Pedro at Arellano Sts., Malate, Maynila.
Isa pang pedicab driver na si Teejay Silva, 23, ang nakakita sa biktima habang pinapasada nito ang kanyang pedicab sa naturang lugar at ipinagbigay alam nito kay Chairman Logie Estacio ng Brgy. 762 Zone 82 na siyang nag-report sa pulisya.
Lumabas sa imbestigasyon ni Det. Manuel Sarmiento ng MPD-homicide section na tadtad ng saksak ang katawan ng biktima at walang saplot ang ibabang bahagi ng katawan kaya hinihinalang ginahasa muna ito bago pinatay. Sinabi pa ng kapatid ng biktima na nawawala rin ang bag nito na may laman na pera at cellphone. (Grace Amargo DeLa Cruz)