NAIA 3 repair sisimulan na

Sisimulan na ang pagku­kumpuni sa sirang istraktura ng Ninoy Aquino International Airport 3 na pinigilang mag­bukas nitong unang buwan ng taon dahil sa nakitang mga depektibo sa ilang bahagi ng gusali at pinangangambahang tuluyang gumuho kamakailan.

Ayon sa isang opisyal sa Manila International Airport Authority (MIAA), kasalukuyan nang nagsasagawa ng inspek­syon sa loob ng NAIA 3 ang Takenaka Corp., ang kompan­yang may kontrata sa kons­truk­syon ng naturang bagong paliparan upang masimulan na ang gagawing major repair sa mga slab at girder, mga mag-uugnay sa konkretong pun­dasyon ng gusali na depektibo.

Sinabi ng source na po­sibleng iurong na ng MIAA ang planong pagsasampa ng kaso laban sa Takenaka matapos na makipagkasundo na sa MIAA na kanilang aakuin ang pagpapa­kumpuni ng mga sirang bahagi ng NAIA 3.

Nauna nang dineklara ng Ove Arup and Partners HK Ltd. at TCGI Engineers, ang dala­wang kompanya na kinuha ng MIAA upang magsagawa ng inspeksyon sa sirang gusali ng P300-milyon NAIA 3 project dahil sa mahina umano ang mga materyales o konkretong ginamit sa biga bukod pa sa may pag­kakamali umano sa structural design.

Dahil dito, inirekomenda ng Ove Arup at TCGI na huwag munang buksan ang paliparan hanggang di nari-repair ang damage nito dahil na rin sa pinangangambahang posib­leng pagguho lalo na kapag may malakas na paglindol.

Hindi naman sinabi ng opis­yal kung hanggang kailan tatagal ang re-konstruksyon ng depek­tibong  gusali ng NAIA 3.

Magugunita na nauna nang bumagsak ang kisame o bubong ng NAIA 3 matapos ang gina­wang partial opening ng natu­rang bagong paliparan. Puma­yag ang Takenaka na ayusin ang bumagsak na bu­bong subalit tumanggi sila na i-repair ang iba pang na­kitang depektibong bahagi ng gusali.

Matapos na magbanta ang MIAA na kakasuhan ang Take­naka ay nagsagawa ng mga serye ng pagpupulong ng ilang buwan hanggang sa nitong nakalipas na linggo ay kinum­pirma ng source sa MIAA na pumayag na rin ang nasabing kumpanya na ayusin ang NAIA 3. (Ellen Fernando)

Show comments