NAIA 3 repair sisimulan na
Sisimulan na ang pagkukumpuni sa sirang istraktura ng Ninoy Aquino International Airport 3 na pinigilang magbukas nitong unang buwan ng taon dahil sa nakitang mga depektibo sa ilang bahagi ng gusali at pinangangambahang tuluyang gumuho kamakailan.
Ayon sa isang opisyal sa Manila International Airport Authority (MIAA), kasalukuyan nang nagsasagawa ng inspeksyon sa loob ng NAIA 3 ang Takenaka Corp., ang kompanyang may kontrata sa konstruksyon ng naturang bagong paliparan upang masimulan na ang gagawing major repair sa mga slab at girder, mga mag-uugnay sa konkretong pundasyon ng gusali na depektibo.
Sinabi ng source na posibleng iurong na ng MIAA ang planong pagsasampa ng kaso laban sa Takenaka matapos na makipagkasundo na sa MIAA na kanilang aakuin ang pagpapakumpuni ng mga sirang bahagi ng NAIA 3.
Nauna nang dineklara ng Ove Arup and Partners HK Ltd. at TCGI Engineers, ang dalawang kompanya na kinuha ng MIAA upang magsagawa ng inspeksyon sa sirang gusali ng P300-milyon NAIA 3 project dahil sa mahina umano ang mga materyales o konkretong ginamit sa biga bukod pa sa may pagkakamali umano sa structural design.
Dahil dito, inirekomenda ng Ove Arup at TCGI na huwag munang buksan ang paliparan hanggang di nari-repair ang damage nito dahil na rin sa pinangangambahang posibleng pagguho lalo na kapag may malakas na paglindol.
Hindi naman sinabi ng opisyal kung hanggang kailan tatagal ang re-konstruksyon ng depektibong gusali ng NAIA 3.
Magugunita na nauna nang bumagsak ang kisame o bubong ng NAIA 3 matapos ang ginawang partial opening ng naturang bagong paliparan. Pumayag ang Takenaka na ayusin ang bumagsak na bubong subalit tumanggi sila na i-repair ang iba pang nakitang depektibong bahagi ng gusali.
Matapos na magbanta ang MIAA na kakasuhan ang Takenaka ay nagsagawa ng mga serye ng pagpupulong ng ilang buwan hanggang sa nitong nakalipas na linggo ay kinumpirma ng source sa MIAA na pumayag na rin ang nasabing kumpanya na ayusin ang NAIA 3. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending