17 Pasig police inirekomendang sibakin

Inirekomenda na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagpapasibak sa 17 pulis na nakatalaga sa Pasig City police dahil sa pagkakaugnay sa sinalakay na multi-milyong “shabu tiangge” noong nakaraang taon.

Sa ulat ng NCRPO, kasama sa mga isinasailalim sa summary dismissal proceedings sina Sr. Supt. Gerry Galvan, C/Insp. Dennis Macalintal, Sr. Insp. Jojie Tabios at Insp. Jovita Iquin. Inireklamo naman sa Office of the Ombudsman sina Sr. Supt. Raul Medina, Sr. Insp. Salvador dela Cruz at Sr. Insp. Elmer Santiago.

Nabatid na si Santiago ang hepe ng intelligence units ng NCRPO na nag-akusa sa mga nabanggit na pulis-Pasig na sangkot sa operasyon ng shabu tiangge.  Nagulat na lamang umano siya nang mabalitaan na kasama siya sa mga sinampahan ng kaso.

 Matatandaan na sinalakay ng mga tauhan ni ret. Gen. Ricardo de Leon ng PNP-Anti-Illegal Drugs-Special Opera­tions Task Force at Philippine Drug Enforcement Agency ang shabu tiangge noong nakaraang Pebrero 2006 kung saan 300 katao ang naaresto, nakumpiska ang milyon-milyong halaga ng iligal na droga at nadiskubre ang mga cubicle at mga barung-barong na ginagamit na tindahan ng mga residente sa loob ng 2,000 sqm. na compound.

Sinampahan na ng kaso si Amin Imam Boratong, ang sina­sabing may-ari at operator ng naturang shabu tiangge at ang kan­yang asawa sa Pasig City Regional Trial Court. (Danilo Garcia)

Show comments