Hindi akalain ng isang pulis na sa kanyang baril mamamatay ang 62-anyos niyang tiya matapos na aksidente umanong mabaril ang huli habang inaayos ng una ang kanyang service firearm, kamakalawa ng gabi sa Sta. Mesa, Maynila.
Nakilala ang nasawi na si Aida Ignacio, may-asawa, tubong Cagayan, ng 531 Blk 27 Piña St., Sta. Mesa sanhi ng tama ng kalibre 45 sa kaliwang bahagi ng kanyang katawan.
Agad namang sumuko ang pamangking suspect na si PO1 Jopel Jacobe, 27, binata, nakatalaga sa Headquarters Support Unit ng Camp Crame.
Sa report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi sa loob ng bahay ng tinitirhan ng mga ito sa Sta. Mesa.
Nabatid na nag-aayos ang suspek ng kanyang dadalhin pauwi ng Cagayan nang ilabas nito ang kanyang service firearm sa kanyang travelling bag upang kargahan ng bala subalit hindi umano nito napansin na may natitira pa umanong bala at aksidente nitong nakalabit kaya tinamaan ang kanyang tiya na noon ay nakaupo. Sa kalituhan, imbes na tulungan ang kanyang tiya ay tumakas umano ito subalit nang nahimasmasan ay sumuko rin.
Nabatid na dinalaw pa umano ng pulis ang kanyang tiya bago ito umuwi sa kanilang probinsiya na naging dahilan naman ng kamatayan ng huli. Tanggap umano ng pamilya ng biktima na aksidente ang pangyayari at nakahandang iurong ang demanda laban sa suspect. (Grace dela Cruz)