Bank exec utas sa nabuntis na GRO
Isang Executive Vice President ng isang bangko ang natagpuan na nakahandusay at may tama ng bala sa ulo, kamakalawa ng umaga
Kinilala ni P/Chief. Insp. Renato Ulic, hepe ng Investigation Division, ang biktima na si Rolando Malimban, 35, Exec VP ng Maybank na matatagpuan sa Legazpi Tower, Pasay City at nangungupahan sa F.B. Harisson St. ng nabanggit na lungsod.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-8:10 ng umaga, nang matagpuan nina Romel Cabilis at Rusty Solomon, mga street sweeper, ang biktima na nakahandusay at may tama ng baril sa sentido sa madamong lugar ng Seaside Diosdado Macapagal Avenue ng nasabing lungsod.
Lumilitaw sa masusing pagsisiyasat ng mga imbestigador na ang naturang biktima ay ipinapatay umano ng isang GRO na kanyang naanakan at nakilala sa isang club sa Quiapo, Manila. Nakapagsilang umano ang naturang GRO ng kanyang supling kung saan si Malimban ang siyang ama subalit tinanggihan umano itong panagutan ng huli.
Bago ang pagkakatagpo sa bangkay ng biktima, nakatanggap na umano ito ng pagbabanta sa kanyang buhay mula sa GRO na hindi muna pinangalanan ng pulisya na siya ay ipapapatay.
Nang magtungo ang mga imbestigador sa inupahang bahay ng biktima ay nadiskubre rin ang isang sulat mula kay Malimban kung saan nakalahad sa kanyang liham na baka hindi na ako abutan ng araw ng Biyernes.
Nakasaad din sa sulat nito kung kanino mapupunta ang kanyang mga ari-ariang maiiwan.
Ayon pa sa pulisya, isang alyas Nonoy na malapit na kaibigan ng nasawi ang kanilang inimbitahan upang magbigay-linaw sa kaso. Si Nonoy umano ang madalas kausap ng biktima nang nabubuhay pa ito at dito rin niya ipinagtatapat ang kanyang problema hinggil sa naturang GRO.
Sinabi ni Ulic na kilala na nila ang naturang GRO at maging ang club na pinapasukan nito sa Quiapo subalit tumanggi muna nila itong pangalanan sa pangambang baka ito makatakas.
Napag-alaman pa na ang nasawi ay hiwalay sa dati nitong asawa.
- Latest
- Trending