Patay ang isang 52-anyos na lola na umanoy tulak ng ipinagbabawal na droga makaraang barilin ng malapitan ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki sa harapan ng kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa Marikina City.
Agarang namatay sanhi ng tinamong tama ng bala sa mukha ng biktimang si Mila Adorna, labandera at umanoy tulak ng shabu at residente ng Cortez Compound, Tanguile St. Brgy. Fortune ng lungsod na ito.
Mabilis namang tumakas ang dalawang suspect matapos ang pamamaslang. Ayon sa pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11 ng gabi sa harapan ng bahay ng biktima. Nabatid na kagagaling lang sa panonood ng telebisyon sa kapitbahay ang biktima nang biglang lapitan ito ng dalawang suspect na pawang armado ng hindi pa batid na kalibre ng baril at walang sabi-sabing binaril nang malapitan sa mukha ang matandang babae.
Napag-alaman pa na ilang oras bago ang pamamaslang ay natiyempuhan ng mga suspect ang batang apo ng biktima na umiihi sa gilid ng kanilang bahay.
Agad nilang tinutukan ng baril ang bata at muling ipinasok sa kanilang bahay at doon ay pinilit na ipinapaturo kung saan nandoon ang kanyang lola.
Napag-alaman pa sa pulisya na isa sa hinihinala nilang motibo ng pamamaslang ay ang awayan sa droga matapos na makumpirma na nagtutulak umano ng shabu ang biktima sa ka nilang lugar.(Edwin Balasa)