Nasawi ang isa umanong bungangerang ginang matapos baunan ng bala sa ulo ng kanyang nakaaway na kapitbahay nang magtagpo ang landas ng mga ito, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City .
Nakilala ang nasawi na si Rosita Almonte, 48 , vendor ng Area 1, Sawata, Dagat-Dagatan ng nabanggit na lungsod.
Kasalukuyan namang tinutugis ng pulisya ang suspek na nakilalang si Ricky Bustade, kapitbahay ng biktima na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2:14 ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Area 1, Fishpond, Sawata, Dagat-Dagatan ng nasabing lungsod.
Nabatid na nakitang nagtitinda sa kanyang puwesto sa naturang lugar ang biktima nang dumating ang galit na galit na suspek na armado ng kalibre .45 baril.
Sinabi pa ng mga saksi, agad na nilapitan ng suspek ang nagtitindang biktima at walang sabi-sabing itinutok ang baril sa bunbunan at binaunan ng isang bala ng baril.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek.
Hindi pa malinaw kung ano ang motibo sa isinagawang pagpatay sa ginang. (Lordeth Bonilla)