Patay ang isang holdaper na miyembro ng “riding in tandem robbery gang” makaraang makipagbarilan sa mga pulis at malaglag pa sa pagkakaangkas sa sinasakyang motorsiklo, kahapon ng madaling-araw sa Cubao, Quezon City.
Patuloy namang kinikilala ng pulisya ang nasawi na nasa pagitan ng edad na 25-28 anyos, may taas na 5’2 talampakan, maigsi ang buhok, nakasuot ng brown na shorts, puting t-shirt at may mga tattoo na “Anding, Bahala na Gang, Buboy suka at JR “ sa likod nito.
Nakatakas naman ang kanyang kasamahan sakay ng isang asul na motorsiklo na walang plaka.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Station 7 (Cubao), naganap ang insidente dakong alas-2:30 ng madaling-araw sa tapat ng isang sanglaan sa panulukan ng Aurora Blvd. at Gen. Romulo street, Cubao.
Nabatid na unang hinoldap ng suspek ang pampasaherong jeep na minamaneho ni Dennis Pamittan kung saan nabiktima nito ang 17-anyos na si April Joy Aguilar, residente ng Philcoa, Diliman, ng naturang lungsod. Natangay sa biktima ang pitaka nito at isang cellphone. Bumaba naman ang suspek pagsapit sa Gen. Romulo St., habang agad namang humingi ng tulong si Pamittan sa isang mobile patrol unit ng QCPD-Station 7 na mabilis rumesponde sa lugar. Naabutan pa ng mga pulis ang dalawang suspek na mistulang naghihintay pa ng mabibiktima ngunit mabilis na pinasibad ang motorsiklo nang mamataan ang mga alagad ng batas.
Nagkaroon ng maigsing habulan hanggang sa masukol ang mga suspek. Dito na umano unang nagpaputok ang suspek na nakaangkas na ginantihan naman ng mga pulis sanhi upang malaglag ito sa motorsiklo at iwan ng kanyang kasamahan.
Narekober sa suspek ang isang pitaka na pag-aari ni Aguilar at isang kalibre .38 baril na gamit nito sa krimen. (Danilo Garcia)