Dahil umano sa hirap ng buhay na kanyang dinadanas pati ng pamilya ay nagpatiwakal ang isang 18-anyos na binata sa pamamagitan ng pagbibigti, kahapon ng madaling-araw sa Marikina City.
Nakilala ang nasawi na si Federico Militante, ng 84 Magsaysay St. Brgy. Parang ng lungsod na ito. Naabutan itong patay na at nakabigti gamit ang kanyang kumot na itinali sa kisame ng bahay.
Sa ulat, dakong alas- 2:20 ng madaling araw ng matagpuan ang bangkay ng biktima Napag-alaman pa sa mga kasamahan sa bahay ng biktima na ilang araw ng napapansing nakatulala ito at panay ang daing sa dinaranas na paghihirap ng kanyang buhay at ng kanyang pamilya.
Ayon sa pulisya, posible umanong naisipan ng wakasan ng biktima ang kanyang buhay para matapos na rin ang kanyang dinaranas na paghihirap. Wala namang suicide note na nakuha sa lugar, habang inaalam ng pulisya kung may foul play na naganap sa nasabing kaso. (Edwin Balasa)