Para matiyak na walang mga tiwaling negosyanteng magbebenta ng double dead na karne sa Quezon City, hinikayat ni QC Vice Mayor Herbert Bautista ang konseho ng lungsod na lumikha ng isang resolusyon na magtataas ng parusa laban sa naturang mga negosyante.
Sinabi ni Bautista na ang lokal na pamahalaan ay nais maiparating ang matinding hakbanging ito upang mawakasan na ang pagbebenta ng mga double-dead na karne sa lungsod.
Sa kasalukuyan multang wala pang P1,000 ang nilalapat sa mga nahuhuling nagbebenta ng double dead meats kaya umano marami pa rin ang malalakas ang loob na magbenta nito mahuli man sila ay mababa ang parusa.
Sa kanyang panukala sinabi ni Bautista na marapat na tanggalan ng business permit ang mga stall owners na lalabag dito.
Nitong nakaraang linggo, ang pinagsanib na puwersa ng QC health department at ang Quezon City Police District, gayundin ang National Meat Inspection Services (NMIS) ay nakakumpiska ng 5,000 kilo ng double dead na karneng baboy sa Balintawak Market.
Naniniwala si Bautista na kapag napatindi na ang parusa ay magkakaroon na ng takot ang mga negosyanteng ito. (Angie dela Cruz)