Dalawa katao ang nasawi kabilang ang isang security guard matapos katayin ng apat na hindi nakikilalang kawatan na sapilitang pumasok at pagnakawan ang pinagtatrabahuhan nilang kompanya, kamakalawa ng gabi sa Navotas City.
Kapwa namatay sa mismong lugar ng pinangyarihan ng insidente sina Noel Angeles, nasa hustong gulang, security guard ng Sibol Security Agency at nakatalaga sa Saint Joseph Building at nakatira sa Lot 22, Phase 2-A, Area 5, Dagat-Dagatan North Bay Boulevard South (NBBS) ng nabanggit na lungsod at Nilo Castillano, stay-in utility helper ng Saint Joseph Group Incorporation ng nasabing gusali.
Kaagad namang ikinasa ang manhunt at follow-up operation ng mga elemento ng Navotas-PNP laban sa apat na hindi nakikilalang suspect na pawang responsable sa pagpatay sa dalawang biktima at pagnanakaw sa nasabing gusali.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Saint Joseph Building na matatagpuan sa Lot 22, Phase 2A, Area 5, Dagat-Dagatan. NBBS ng nasabing lungsod.
Nabatid, sapilitang pinasok ng apat na di-nakikilalang kawatan ang nasabing gusali at agad pinagsasaksak ang mga nabiglang biktima at nang masigurong patay na ang mga ito ay mabilis na nagtungo sa ikalawang palapag ang mga salarin.
Dito, binasag ng mga suspect ang salamin ng bintana para makapasok sa loob ng tanggapan ng St. Joseph Group Inc. kung saan nakalagay ang vault ng kompanya at kinuha ang P70,000 cash at hindi mabilang na halaga ng mga cheque, at ang service firearm na kalibre .38 baril ni Angeles.
Matapos nito ay agarang nagsitakas ang mga suspect dala ang kanilang nakulimbat, habang naiwanang walang buhay na naliligo sa sariling dugo ang dalawang biktima. (Rose Tamayo-Tesoro)