Nabaril at napatay ng isang pulis ang suspek sa panghoholdap sa loob mismo ng presinto sa Maynila matapos umanong mang-agaw ng baril ang huli habang iniimbestigahan, kamakalawa ng hapon sa Ermita, Maynila.
Hindi na umabot ng buhay sa Manila Doctors Hospital sanhi ng tama ng bala ng baril sa ulo at dibdib si Angelito Lanceta,32 ng 1709 DPWH compound Sta. Ana Maynila at umano’y miyembro ng “Robin Padilla gang”.
Lumalabas sa imbestigasyon ni Det.Carlos Santos ng Manila Police District (MPD) Homicide division na dakong alas-5:45 ng hapon ng maganap ang insidente sa loob ng MPD Station 5 habang iniimbestigahan si Lanceta ni P03 Alvin Plantado. Si Lanceta ay dinala sa nasabing himpilan ng mga barangay tanod ng Brgy 676 Zone 73 District 5 matapos itong ireklamo ng panghoholdap ng isang Evelyn Egloria,saleslady na natangayan ng pera at cellular phone. Subalit habang iniimbestigahan ito ay bigla na lamang umano nitong inagaw ang service firearm ni Plantado hanggang sa mag-agawan ang dalawa.
Napadaan naman si SPO2 Antonino Cruz Jr., 41, at officer-in-charge ng follow-up unit ng MPD station 5 at nasaksihan nito na nakatutok ang baril na hawak ni Lanceta kay Plantado kayat napilitan umano itong bumunot ng baril at binaril si Lanceta sa ulo na naging sanhi ng kanyang kamatayan. Agad namang sumuko sa kanyang mga kabaro si Cruz matapos ang pamamaril. (Gemma Amargo-Garcia)