Nailigtas ng pinagsanib na puwersa ng Las Piñas City-PNP at NPD-SWAT ang anim na menor-de-edad na puwersahang ginagamit ng sindikato sa pagbebenta ng panandaliang aliw sa mga dayuhang parukyano makaraang salakayin ang isang compound na ginagawang hide-out ng mga huli, kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod.
Agad namang isinailalim sa pangangalaga ng Department of Social Welfare Development (DSWD) para sumailalim sa psychological counseling ang mga biktimang hindi pinapangalanan na nasa gulang na 15-anyos pataas.
Sa panayam kay P/Insp. Ferjen Torred, hepe ng Las Piñas Intelligence Unit, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa lihim na operasyon ng sindikato na ibinebenta ang mga menor-de-edad sa isang lugar sa ABC Compound, Real Street, Pulang Lupa Uno ng nasabing lungsod.
Makaraang makumprima ang nakalap na impormasyon ay agad na sinalakay ng operatiba ang nasabing hideout na nagresulta sa matagumpay na pagkakabawi sa anim na kabataan sa isang silid na hinihinalang naghihintay na ng dayuhang customers.
Bukod pa rito ay umabot din sa dalawampung babae na hinihinalang prostitute ang dinala sa himpilan ng pulisya upang sumailalim sa verification. (Rose Tamayo-Tesoro)