Inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Northern Field Office (NFO) ang labing-dalawang Intsik dahil sa pagbili ng milyong halaga at pagtatago ng mga nakaw na kable ng kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) kahapon ng umaga sa Valenzuela City.
Kinilala ni Supt. Anthony Aberin, hepe ng CIDG-NFO ang mga naarestong suspek na sina Jimmy Go, 46; Alvin Ching, 45; Juliet Makate, 40; Robert Makate, 47; Andy Ko, 27; Wu Feifang Wu, 20; Wu Fupai Yang, 20; Wu Cai Xia; Wu Cheng Jun, 57; Wu Sheng Nan Chua, 47; Xu Yana, 37 at Ke Jinzen Chua, 22.
Base sa report ng pulisya, dakong alas-10 ng umaga nang maaresto ang mga suspek sa bahay at junkshop ni Go na matatagpuan sa # 140-142 E. Francisco Street, Barangay Gen. T. de Leon ng nasabing lungsod.
Nabatid na ang pagkakaaresto sa mga suspek ay base na rin sa search warrant na ipinalabas ni Manila Regional Trial Court (MRTC) Judge Rosario Cruz, ng Branch 173
Sinabi ni Aberin na bago ang pagkakadakip sa mga Chinese nationals ay nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa pagbili ng mga suspek ng mga nakaw na kable ng kuryente ng Meralco.
Agad na nagsagawa ng surveillance ang mga awtoridad at nang maging positibo ang impormasyon ay kumuha ang mga ito ng search warrant na nagresulta sa pagkakaareso sa mga suspek. Nasamsam sa mga ito ang may 4.5 toneladang nakaw na mga kable ng Meralco na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso.
Hanggang sa kasalukuyan naman ay patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga naarestong Chinese nationals kung may mga kaukulang papeles ang mga ito na mamalagi sa Pilipinas.