Binalot ng panghihilakbot ang pamilya ng isang lalaki makaraang regaluhan ito ng isang pugot na ulo na may kasamang pagbabanta sa buhay nito, kamakalawa ng hapon sa Pasig City.
Batay sa salaysay ni Dennis Abella, residente ng Blk 3, Lot 16 Trinidad Homes Brgy. Manggahan ng lungsod na ito, dakong alas-3 ng hapon nang makakita siya ng isang kahon na nakabalot pa nang maayos at iniwan sa harapan ng kanyang pintuan.
Dahil sa kuryosidad ay binuksan nito ang nasabing kahon. Pagpasok sa kanilang bahay, habang pinapanood ng iba pang kasama sa bahay ay biglang nanghilakbot ang mga ito nang tumambad sa kanila ang pugot na ulo na may kasamang isang sulat na naglalaman ng “Dodgie Zarate, binibigyan lang kita ng ilang araw upang isoli ang Pajerong kinuha mo sa Tarlac, kundi ay uubusin ko ang pamilya mo”.
Dahil dito ay agad na humingi ng tulong sa himpilan ng pulisya ang pamilya ni Abella upang iulat ang nakuhang pugot na ulo.
Sa ginawang imbestigasyon ng pulisya, nabatid na kilala ng pamilya Abella ang sinasabing Dodgie Zarate dahil kailan lang ay nakitira umano ito sa bahay ng pamilya noong nakaraang taon subalit sandali lamang ito dahil nagtungo ito sa Saudi Arabia upang magtrabaho doon.
Umalis si Zarate ng kanilang bahay noon pang Disyembre, 2006 at simula noon ay hindi na muli pang napunta ito sa nasabing bahay.
Sinabi rin ni Dennis Abella na ilang beses umano nitong nakitang may dalang Pajero si Zarate subalit hindi naman niya ito binigyang pansin sa pag-aakalang pagmamay-ari niya ito dahil nga sa nagtatrabaho ito sa ibang bansa.
Kasalukuyang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya kung sino ang biktimang pinugutan ng ulo at kung ano ang koneksyon nito sa nawawalang Pajero.
Sasailalim din sa imbestigasyon si Dennis Abella para makapagbigay ng pahayag sa pulisya na pinaniniwalaang malaki ang maitutulong sa pagkalutas nito.