Lola, apo patay sa boksingero
Isang manhunt operation ang inilunsad ng mga tauhan ng Manila Police District laban sa isang boksingero na gumulpi at brutal na pumatay sa kanyang live-in partner at sa apo nito sa loob ng kanilang bahay sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Chief Inspector Alex Yanquiling ng Manila Police District (MPD)-Homicide Division chief ang mga nasawing biktima na si Delia Mancio, 52; at apo nitong si Timothy Andrei Solvera, 6, kapwa residente ng Block 44 Lot 13, 20, C.P. Garcia St., ng nabanggit na lugar.
Pinaghahanap naman ang suspect na nakilala lamang sa pangalang
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8 ng gabi kung saan sinakal umano ng suspect si Mancio at saka tinakpan ng unan ang mukha nito, habang pinagsasaksak naman at pinagbubugbog sa mukha ang paslit na si Timothy.
Ayon kay Det. Manuel Sarmiento, posible umanong nakita ng batang biktima ang pagpatay ng suspect sa kanyang lola kaya’t pati ito ay pinatay na rin ng suspect.
Una dito’y may natanggap na text message ang manugang ng biktima na si Recy Solvera mula sa suspect kung saan nakasaad umano ang mga mensaheng “Pinatay ko ang dalawa, ginipit kasi ako sa pera, kung gusto n’yong patunayan ay puntahan nyo sa bahay nila”.
Ang naturang text message ay kinumpirma naman ng kapitbahay ng biktima na si Myra Oira matapos na tawagan ito ni Solvera.
Maaari din umanong 12-oras nang patay ang mga biktima dahil matigas na ang mga ito at tuyo na ang mga dugo nang matagpuan.
Ayon sa pulisya, pitong buwan na umanong mag-live-in si Mancio at ang suspect habang si Timothy ay palaki ng kanyang lola.
- Latest
- Trending