Dahil paralisado ang operasyon ng serbisyo publiko ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa at lokal na pulisya dahil sa naganap na sunog dito noong Biyernes, nag deklara kahapon ng state of calamity sa nabanggit na siyudad.
Ayon kay Muntinlupa City Vice Mayor Artemio Simundak, maglulunsad ng isang agarang pagpupulong ang konseho para pag-usapan ang gagamiting P100 million pondo sa pagkukumpuni ng nasunog na city hall.
Kasama sa adyenda ang pagtatayuan ng bagong city hall na isa sa pinagpipilian ang Alabang.
Nabatid na sa ngayon ay pansamantalang nag-uupisina si Mayor Aldrin San Pedro at iba pang departamento ng pamahalaang lungsod sa People’s Center samantalang ang Muntinlupa City Police Station ay pansamantala namang nag-uupisina sa Police Community Precinct 2 sa may Alabang.
Ayon sa nabanggit na mga local na opisyal, hindi sila makakapag-serbisyo publiko sa tao nang 100 porsiyento dahil sa naturang insidente.
Dahil dito, nag-deklara ang pamahalaang lungsod ng state of calamity sa kanilang lugar. (Lordeth Bonilla)