Matapos na ideklarang fire out ng mga tauhan ng Manila Fire Department, muli na namang sumiklab ang sunog sa Divisoria kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.
Dakong alas -4 ng madaling-araw nang muling pumutok ang sunog sa lugar na tumupok sa commercial-residential area ng Divisoria. Umabot ng 12 oras ang naturang sunog. Nabatid na umaabot sa 20 commercial at residential structures ang natupok noong Biyernes ng hapon.
Nahirapan ang mga bumbero na maapula ang sunog dahil na rin sa masikip na daloy ng trapiko sa lugar at ang mga manininda na nasa kaldasa patungong Sto. Cristo St.
Ang ikalawang pagsiklab ng sunog ay inabot naman ng limang oras bago nasawata ng mga bumbero.
Hanggang ngayon ay inaalam pa ng mga awtoridad ang halaga ng danyos ng natupok sa sunog. (Doris M. Franche)