Isang mister ang nasa kritikal na kondisyon matapos pagsasaksakin ng kanyang kainumang bisita na napikon sa pagtatalo ng una at asawa nito, kamakalawa ng gabi sa Malabon City .
Kasalukuyang inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) sanhi ng mga saksak sa kanyang katawan ang biktimang si Bonifacio Libunao Sr., 49, jeepney driver ng #112 Judge Oreta Perez Street, Brgy. Tonsuya ng nabanggit na lungsod.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga elemento ng Malabon-PNP ang suspek na si Allan Ruiz “alyas Am-am”, 29, ng Indang, Cavite.
Ayon sa ulat ni PO2 Edcel dela Paz, may hawak ng kaso, naganap ang insidente dakong alas-8:15 ng gabi sa panulukan ng Judge Oreta C. Perez Street, Brgy. Tonsuya ilang metro lamang ang layo sa bahay ng biktima.
Nabatid na katatapos lamang mag-inuman ng biktima at suspek kung saan nang makaramdam ng gutom ay naghanap ng makakain ang biktima sa misis niyang si Leonor Molinao, subalit ng walang maihain ang babae ay nag-init ang ulo ng una hanggang magtalo ang mag-asawa.
Upang hindi na lumala ang away ay minabuti ng biktima na lumabas ng bahay upang ihatid ang suspek at kinompronta ng huli ang una hinggil sa ginawa nitong pang-aaway sa kanyang asawa.
Base sa pahayag ng saksing si Bonifacio Jr., anak ng biktima, habang nasa gitna ng pagtatalo ay mabilis na nagbunot ang suspek ng patalim at sinaksak ang kanyang ama ng ilang beses sa dibdib at likod bago tumakas sa di-nabatid na direksiyon. (Lordeth Bonilla)