Pinagtatadtad ng saksak at ibinalot ng packaging tape ang mukha at tinalian ng steel wire ang mga kamay nang matagpuan ang isang lalaki at isang babae na pinaniniwalaang biktima ng salvage sa Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Walang nakuhang anumang pagkakakilanlan sa dalawang biktima na ang lalaki ay nasa gulang na 25-30-anyos, mahaba ang buhok, nakasuot ng maong pants at tadtad ng tattoo sa buong katawan, habang ang babae naman ay tinatayang nasa gulang na 20-30-anyos, maiksi ang buhok, nakasuot ng asul na t-shirt, light blue na shorts at may tattoo na BCJ sa kanang paa.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ni Det. Jonathan Bautista ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong ala-1 ng madaling-araw nang makita ang bangkay ng lalaking biktima sa kanto ng Soler at Trinidad Sts., Quiapo, habang ang babaeng biktima ay natagpuang patay dakong ala-1:15 ng madaling-araw sa kanto ng 656 P. Gomez at Raon St., Quiapo, Manila.
Sa kabila na sa magkahiwalay na lugar natagpuan ang dalawang biktima malaki ang paniwala ng mga awtoridad na posibleng iisa ang may gawa ng krimen dahil sa pareho ang paraan sa pagpaslang sa mga ito.
May nakuhang karatula sa bangkay ng lalaki na nakalagay ang ganito: “Huwag ninyo akong tularan holdaper ako”.
Samantalang ganito naman ang nakasulat sa bangkay ng babae: “Babala sa lahat ng ti rador huwag n’yo akong tularan mandurukot ako bilang na oras n’yo”.
Ang dalawa ay hinihinalang biktima ng salvage na maaring pinatay sa ibang lugar at itinapon na lamang sa naturang lugar. (Grace Amargo dela Cruz)