3 sako ng pampasabog nasabat

Nasamsam   ng mga kaga­wad ng Philippine Coast  Guard (PCG) ang tatlong  sako  ng  “ammonium  nitrate” na gina­gamit sa pampasabog, sa  loob  ng isang  pampasa­he­rong  barko  kamakalawa  ng  gabi papuntang Coron, Pala­wan, habang  nakahimpil sa  Pier 2, ng  Manila  North Harbor.

Ipinaliwanag ni PCG  Spokesman  Lt. Grade Armand Balilo na naamoy ng K9 dog ng Sea Marshall ng PCG ang mga nabanggit na pampa­sabog matapos na magsasa­gawa  ng  inspeksiyon sa M/V Catalyn C na nakalagay sa liku­rang  ba­hagi ng pas­senger deck  da­kong  alas-9:30 ng gabi.

Nabatid na  paalis na  sa  Pier 2 papuntang  Coron, Pala­­­wan  ang  barko  ng  masabat  ang mga pampasabog na  tina­­tayang  nasa 75 kilo. Nasa loob umano ng tat­long kahon ang mga nasabat na  ammonium nitrate bago ito ipinasok sa loob ng tatlo pang sako. Gayunman, hindi naman natukoy ng PCG kung sino ang nagmamay-ari ng nabanggit na kargamento.

Ipinaliwanag ni Balilo na kung nakalusot umano ang mga ammonium nitrate ay tiyak na magdudulot ito ng pin­sala, lalo pa kung ito ay tala­gang gagamitin upang mang­gulo. (Grace dela Cruz)

Show comments