^

Metro

Pader gumuho: 3 patay, 13 sugatan

- Rose Tamayo-Tesoro -

Tatlo ang kumpirmadong nasawi, habang 13 naman ang malubhang nasugatan maka­raang mabagsakan ang mga ito ng bakal na biga at bumigay na pader sa isang contruction site, kahapon ng umaga sa Parañaque City.

Durog ang mukha nang madaganan ng bakal na biga at na­matay noon din ang bikti­mang si Lorenzo Ramos, cons­truction worker sa itinatayong warehouse ng Wilcon Builders Depot na nasa Dr. A. Santos Avenue, Sucat, ng nasabing lungsod. Habang nasawi naman sa pagamutan sina Balbino Ocampo at Juscino Abesamis.

Kabilang naman sa mga nasugatan at nila­lapatan ng lunas sa Olivarez General Hospital sina Robert Dalena; Marlon de Leon; Pablo dela Cruz; Joel Baluyot; Gil Gomingo;  Ben Banong; Silverio Quiriaga; Lino Domingo; Ricky Garcia; Sonny  Fran; Jun Feliciano at Boy Evange­lista, habang  si Eliseo Maducduc, 52, ay nasa kritikal naman na kondisyon nang madaganan ng malapad na biga at pader.   

Ang mga biktima ay iniulat na nabalian ng buto, pumutok ang ulo at nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.   

Batay sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong alas-11:31 ng umaga, habang ang mga nabanggit na traba­hador ay magka­kasamang iniaangat ang malapad na bakal na biga para gawin sanang bubungan ng nasabing warehouse.

Napag-alaman pa na ang nasabing biga ay itinali sa mag­kabilang dulo na ikinabit  sa pader at dahil sa may kalambutan ang lupang pinag­babaunan ng pundasyon nito ay biglang na­hatak ang pader na naging dahilan upang bu­magsak ito at tuluyang gumuho na tinatayang may taas na 150-metro.   

Nabatid na ang mga trabahador na nasa itaas ng beam ay nagtalunan naman at nada­ganan ang mga umaalalay sa ibaba malapit sa pader.   

Sa panayam  ng PSN kay Parañaque City Mayor Florencio “Jun” Bernabe, magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon kaugnay sa nasabing pagguho sa Wilcon Builders Depot.   

Nabatid na ang itinatayong warehouse ay naka-sub contract sa 5-Red Lions Corporation na pinamamahalaan ng general manager na si Wilson Herrera at project Engineer Larry Poldo. Sinabi pa ni Bernabe na pananagutin nila ang project engineer at contractor maging ang arkitekto ng plano ng ware­house sakaling mapatunayang nagkaroon ng kapabayaan ang mga ito sa ginagawang bodega. Kasama namang pai­imbes­tigahan ni Mayor Bernabe ang opisyal ng City Engineer na si Noel Cerpina na pumirma ng building permit sa itinatayong humigit kumulang sa 9,000 sqms na lupain ng Wilcon Builders Depot.

Tumagal naman ng may dalawang oras ang isinagawang retrieval operation ng rescue team mula sa Makati City, Para­ñaque at Metro Manila Development Authority (MMDA).

vuukle comment

BALBINO OCAMPO

SHY

WILCON BUILDERS DEPOT

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with