Dahil sa sakit na TB binata nagbaril sa sarili
Dahil umano sa matagal ng paghihirap dahil sa sakit na tuberculosis (TB) nagpakamatay sa pamamagitan nang pagbaril sa sarili ang isang lalaki kahapon ng madaling araw sa Pasig City. Patay na ng matagpuan sanhi ng isang tama ng kalibre .38 baril sa kanyang sentido ang biktimang si Pantaleon Arabit , 37, binata at residente ng 918 Purok 5, Floodway Brgy. Sta. Lucia ng lungsod na ito. Dakong alas 5:30 ng madaling araw ng maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima. Nabatid sa kasama nito sa bahay na si Olive Villaruel 39, nasa kasarapan umano siya ng tulog ng magulantang sa isang putok na galling sa kanyang kalapit na kuwarto. Agad naman bumangon si Villaruel upang alamin ang pinanggalingan ng putok at laking gulat nito ng pagtungo nito sa kuwarto ng biktima ay nakita niya ang wala ng buhay na katawan nito na naliligo sa sariling dugo. Napag-alaman nito na tatlong taon na palang iniinda ng biktima ang kanyang sakit na TB dahilan ng mabilis na pagbagsak ng katawan nito. Kasalukuyan pang inaalam ng pulisya kung saan nakuha ng biktima ang baril na ginamit sa nasabing pagpapakamatay. (Edwin Balasa)
Chop-chop lady nabubuo na
Unti-unti ng malalaman ang misteryo sa likod ng chop-chop lady matapos na makuha na ang ikatlong parte ng katawan nito kamakalwa ng hapon sa ilog sakop ng Mandaluyong City. Dakong ala-1:45 kamakalawa nang makuha ang kanang braso ng chop-chop lady habang nakalutang ito sa ilog sa Brgy. Hulo ng lungsod na ito, Ang pagkakakuha sa isang braso ay pangatlong parte na ng katawan na nakuha sa hindi pa rin kilalang biktima, Unang nakuha ang torso nito noong linggo sa kanto ng Lope K. Santos at J. Basa sa San Juan at pagkakapulot naman sa ulo nito nitong Lunes ng hapon na nakalagay pa sa lunchbox sa ilog din sa Mandaluyong. Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga na ng Pacific Funeral Parlor sa Mandaluyong ang torso, ulo at kanang braso ng biktima. Sinabi pa ng pulisya na sa ngayon ay naghihintay pa sila kung sino ang naghahanap sa nawawala nilang kaanak na babae at pinapayuhan nila na magtungo sa San Juan at Mandaluyong police upang malaman kung kanila ngang kamag-anak ang nasabing tsinop-chop na biktima. Patuloy ang pagsasagawa ng follow-up operation ng pulisya para sa pagkakatagpo pa ng ilang parte pa ng katawan ng biktima. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending