Muli na namang binulabog ng insidente ng salvaging‚ ang lungsod ng Quezon City matapos na matagpuan ang mga bangkay ng dalawang lalaki na pinaniniwalaang biktima ng summary execution sa bakanteng lote sa loob ng isang subdibisyon, kaha pon ng madaling araw.
Patuloy na inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan sa dalawang lalaki na natagpuang nakabalot na plastic bag ang ulo at nakatali ang mga kamay.
Ayon sa ulat, dakong alas-5 ng madaling araw nang matagpuan ang mga bangkay ng mga residente sa loob ng Sta. Lucia Subdivision sa Brgy. Greater Lagro, ng naturang lungsod.
Ayon sa mga residente, dakong alas-2 ng madaling araw nang makarinig sila ng apat na magkakasunod na putok ng baril ngunit hindi na nila pinansin dahil sa takot. Madaling-araw na nang madiskubre ng mga security personnel ng naturang subdibisyon ang bangkay ng dalawa.
Nabatid na iilan pa lamang ang nakatira sa naturang subdibisyon na katatayo pa lamang at ginagamit bilang shortcut ng mga motorista patungo ng Novaliches at Valenzuela City. (Danilo Garcia)