Mag-utol namaril sa bar: 2 patay

Dalawa katao ang agad na nasawi, habang tatlo naman ang nasa kritikal na kondisyon makaraang mag­wala at mamaril ang dalawang lasing na magka­patid na kinabibilangan ng isang umano’y sundalo sa loob ng isang videoke bar, kamakalawa ng hapon sa Las Piñas City.  Namatay habang ginagamot sa Las Piñas District Hospital ang mga biktimang sina Claudio Castillo, 57,  at Reynaldo Basbas, 38, kapwa ng Bernabe Compound, Pulang Lupa 1, ng nasabing lungsod.

Nabatid na ang mga nabanggit na biktima ay kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa .45 kalibre ng baril. Sugatan din sa insidente  sina Marlon Castillo, 37, residente ng Blk. 15, Lot 11; Edgar Roxas, 46, residente ng Blk. 22 at isa pa na hindi nakuha ang  pa­ngalan na pawang nagtamo rin ng mga tama ng bala sa ulo at iba pang parte ng kanilang katawan.

Kasa­lukuyan namang pinag­ha­hanap ng pulisya ang magka­patid na suspect na sina Jonathan at alyas Boy  Medina na umano’y isang sundalo at pawang mga residente ng Blk. 23, Lot 4, Bernabe Compound, Pulang Lupa-1, Las Piñas City na kapwa naka­takas matapos ang nasabing insidente. Batay naman sa isinagawang imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-3 ng hapon sa harap ng isang videoke house sa Blk. 12, Lot 12, Bernabe Com­pound, Pulang Lupa-1, Las Piñas City.

Nabatid na bago naganap ang nasabing insidente ay kapwa unang nag-inuman ang mga nabanggit na magkapatid na suspect sa loob ng nasabing videoke house. Dumating ang mga bik­tima na agad na kinursunada ng magkapatid. Agad na nilapitan ng magkapatid ang mga biktima at saka inu­sisa kung ang mga ito ay mga pulis.

Sumagot naman ang mga bik­tima na hindi sila mga pulis at sila ay mga adik na lalong ikinainis ng magkapatid na suspect. Bigla nang nagbunot ng baril si Jonathan at saka pinagbabaril ang biktima. Kinuha pa ng utol nito ang baril at muling pina­pu­tukan ang grupo ng mga biktima. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments