Nadakip ng mga tauhan ng Manila Police District ang isang pulis-Bicutan habang pinaghahanap pa ang dalawa pa nitong kasamahan na umano’y sangkot sa panghoholdap at pagpatay sa may-ari ng isang kumpanya matapos na magwithdraw ang biktikma ng P250,000 cash sa isang sangay ng bangko noong Biyernes ng umaga sa Tondo, Maynila.
Kinilala ng MPD ang suspek na si PO1 Ruben Baratas, 31, nakatalaga sa National Capital Regional Office sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City. Pansamantalang hindi pa pinapangalanan ang dalawang kasamahan nito habang pinaghahanap pa. Nadakip si Baratas sa barracks ng headquarters ng NCRPO sa Camp Bagong Diwa.
Gayunman, itinanggi ni Baratas ang akusasyon at sinabing nang maganap ang panghoholdap ay namimili umano sila ng scrap materials. Magugunita na nag-”withdraw” ng halagang P250,000 mula sa isang bangko ang biktima nang harangin sila sa daan ng mga suspek na magkaangkas ng motorsiklo. Kinuhang pilit umano ng isa sa mga suspek ang pera na hawak ng biktima subalit nang tumanggi ito ay binaril ng isa pang suspek. (Grace Amargo-dela Cruz)