Isang torso o katawan ng hindi pa kilalang babae ang natagpuan sa loob ng isang plastic bag sa isang tambakan ng basura sa San Juan City kahapon ng umaga.
Bandang alas-8:00 ng umaga nang unang makita ng labanderang si Alicia Lopez, 57, ang katawan ng biktima sa kanto ng J. Basa at Lope K. Santos Streets sa Barangay Pedro Cruz ng naturang lungsod.
Naglalakad sa nasabing lugar si Lopez nang mapansin niya ang mga nagkalat na damit sa tambakan ng basura.
Kinuha isa-isa ni Lopez ang mga damit na nakalagay pa ang iba sa sako nang mapansin niya ang isang itim na plastic bag.
Sa pag-aakalang pakikinabangan pa ang laman ng bag ay agad niya itong binuksan subalit laking pagkagimbal nito ng tumambad sa kanya ang duguang torso ng biktima.
Dahil dito, nagpatulong siya sa mga residente roon na siyang tumawag ng pulis.
Sinabi ng pulisya na tanging pagkakakilanlan sa biktima ang balat sa itaas ng puwitan nito at isang pantalong maong na may pangalang Delia Ramirez.
Lumalabas din sa imbestigasyon na posibleng may malaking galit ang salarin sa biktima dahil nilaslas pa ang ari nito.
Hinihinala ng pulisya na sa ibang lugar pinatay ang biktima at itinapon lang ang katawan nito sa nasabing basurahan.