Isang 21-anyos na magsasaka na pinaniniwalaang supplier ng mga pinatuyong marijuana leaves sa Bagong Barrio at sa Sta. Quiteria ang bumagsak sa kamay ng mga elemento ng Caloocan-PNP matapos ang isinagawang buy-bust operation hanggang sa makumpiskahan ng sampung kilo kahapon ng umaga sa nasabing lungsod. Nakilala ang nadakip na si Amor Cuyutan ng Barangay Bayabas, San Gabriel, La Union. Ayon sa ulat dakong alas-9:30 ng umaga nang madakip ang suspek sa kahabaan ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) malapit sa Toyota-Balintawak. Nabatid, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa iligal na aktibidades ng suspek at pag-susupply nito ng mga pinatuyong dahon ng marijuana sa lugar ng Bagong Barrio at Sta. Quiteria. Agad na nagsagawa ng surveillance ang pulisya at ng makumpirma ay inihanda na ang bitag laban dito. Agad na dinakip ang suspect sa aktong tinatanggap ang P1,500 bayad sa isang kilo ng marijuana. Nasamsaman pa ito ng siyam pang kilo na nakatakda rin niyang ibenta. (Lordeth Bonilla)