Patay ang isang 66-anyos na negosyanteng biyuda makaraang pagbabarilin ito ng umano’y kanyang janitor sa loob mismo ng bahay ng una, kahapon ng umaga sa Las Piñas City.
Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Araceli Bulay, ng Blk. 5, Lot 3, Ilang-Ilang St., T.S. Cruz Almanza, nabanggit na lungsod sanhi ng mga tinamong tama ng shotgun sa iba’t ibang parte ng katawan nito.
Arestado naman at kasalukuyang nakakulong sa detention cell ng Station Investigation Division ng Las Piñas City Police ang suspect na si Anthony Bacuro, 19, binata, kasambahay ng biktima at tubong-Eastern Samar. Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:30 ng umaga nang maganap ang krimen sa loob ng bahay ng biktima sa nasabing lugar.
Ilang kapitbahay naman ng mag-amo ang nakasaksi sa krimen at agad nilang isinuplong sa awtoridad ang suspect na nagresulta naman sa agaran nitong pakakadakip.Kasalukuyan namang isinasailalim ng pulisya sa masusing imbestigasyon ang suspect upang alamin kung ano ang motibo nito sa pamamaslang sa ginang. (Rose Tamayo-Tesoro)