Sinimulan na ni acting Manila Police District director Danilo Abarzosa ang pagbalasa sa hanay ng matataas na opisyal sa naturang distrito bunsod ng kautusan ni Manila Mayor Alfredo Lim.
Epektibo noong Biyernes itinalaga si Supt. Rolando Miranda sa MPD Station 1 sa Tondo matapos itong alisin sa kanyang puwesto sa Station 6 at ipinalit sa kanya si Supt. Prudencio Bernal.
Ibinalik naman sa dati niyang pinanggalingan si Supt. Romulo Sapitula sa Station 3 sa Sta. Cruz at Quiapo matapos itong alisin sa Station 1 sa Tondo.
Pinalitan ni Sapitula si Supt. Rommel Cabagnot, kung saan siya ang nakakasakop sa “Vietnam village” sa Quiapo nang madiskubre ito.
Ang “vietnam village” ang hinihinalang kuta ng mga kriminal at dealer ng droga dahil na rin sa sunod-sunod na pagkakadiskbure ng drug-related killings dito.
Itinalaga naman si Cabagnot sa MPD headquarters sa District Operations and Plans Division, samantalang si Supt. Jovit Asayo commander ng Station 4 ay inalis sa kanyang puwesto at pinalitan ni Supt. Ernesto Marlam.
Samantalang si Supt. Roberto dela Rosa, ng Special Operations Group (SOG) sa Manila city hall ay tinanggal at itinalaga sa MPD headquarters bilang pinuno ng Community Relations Division. (Gemma Amargo-Garcia)