Dahilan sa selos, pinaghihiwa ng blade sa mukha at katawan ang isang 27-anyos na babae ng kanyang dating live-in partner matapos nitong mabalitaan na meron ng ibang kinakasama ang una kamakalawa ng gabi sa Tayuman, Maynila.
Kinilala ang biktima na si Racquel Dela Cruz, ng Daang Bakal PNR Compound ng naturang lugar na kasalukuyang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Hospital , samantalang kasalukuyan namang nakapiit sa Manila Police District (MPD) Station 7 ang suspek na si Sabales Marcelo, 30, tricycle driver at residente ng 1715 Old Antipolo st. Tondo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 10:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa bahay ng biktima matapos itong puntahan ng suspek upang kunin ang ipinahiram nitong bracelet sa dating kinakasama.
Subalit pagdating sa bahay ng biktima ay kinumpronta ito ng suspek matapos na mabalitaan na mayroon na itong bagong kinakasama.
Lalo pang nagalit ang suspect kaya’t sa galit ay kaagad itong kumuha ng blade at pinaghihiwa sa mukha at katawan ang biktima at saka mabilis na tumakas..
Mabilis namang naaresto ang suspek habang nagmamaneho ng tricycle sa kanilang lugar matapos na magsagawa ng follow-up ang pulisya. (Gemma Amargo-Garcia)