Habambuhay sa 2 holdaper
Habambuhay na pagkakabilanggo ang inihatol kahapon ng Pasig Regional Trial Court (RTC) sa dalawang holdaper na pumatay sa isang call center agent ng kanila itong barilin sa FX taxi matapos tumangging ibigay ang cellphone isang taon na ang nakakalipas sa nabanggit na lungsod.
Bukod sa habambuhay na pagkakabilanggo, inatasan din ni Judge Amelia Manalastas ng Pasig RTC Branch 268 ang mga suspect na sina Ryan Corcuera at Rodolfo Bartolome na magbayad ng kabuuang halagang P500,000 moral at civil damages sa pamilya ng biktimang si Charlene Santos, residente ng Cainta, Rizal, UP student at nagtatrabaho bilang call center agent sa Ortigas, Pasig.
Base sa rekord ng korte, naganap ang krimen noong Abril 2, 2006 ng gabi sa kahabaan ng Brgy. Rosario ng lungsod na ito nang holdapin ng tatlong kalalakihan kabilang ang dalawang nahatulang suspect ang isang FX Taxi na kinalululanan ng pitong pasahero kabilang ang nasawing biktima.
Matapos na maglabas ng baril at nagdeklara ng holdap ay isa-isang kinuha ng mga suspect ang mga mahahalagang gamit ng mga pasahero subalit ng si Santos na ang kukuhanan ng cellphone ay nakiusap itong kukunin lang niya ang sim card nito dahil maraming importanteng contact number ang nandoon.
Dahil dito nagalit ang isa sa mga holdaper at binaril sa likurang bahagi ng ulo ang biktima gamit ang kalibre .45 baril at saka kinuha ang cellphone nito sabay nagsitakas sa magkakahiwalay na lugar.
Kinilala naman sa ipinakitang rogue gallery ng pulisya sina Corcuera at Bartolome na positibong kinilala ng mga saksi na mga pasahero rin sa hinoldap na FX Taxi.
Naaresto naman sa isinagawang magkahiwalay na follow-up operation ng Pasig police ang dalawang suspect. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending