Madugong b-day party: 3 todas
Nauwi sa trahedya ang isang masayang birthday party makaraang tatlo katao ang nasawi at habang dalawa pa ang nasa kritikal na kondisyon nang pagbabarilin ang mga ito ng tatlong kalalakihan na pawang mga naka-motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa lungsod ng Caloocan.
Patay na nang idating sa E. Rodriguez Memorial Hospital ang mga biktima na sina Pablo Ariel, 31, security guard; Gerardo Tacalan, 38 , mekaniko at isang “alyas Stephen”. Ang tatlo ay pawang nagtamo ang mga tama ng bala sa kanilang katawan.
Nilalapatan naman ng lunas sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang mga biktima na nasa kritikal na kondisyon, na nakilalang sina Liezel Roquin, 15, estudyante at Jay Napigkit, 34, kapwa residente ng Rimas St., Amparo Subdivision, Barangay 179 ng nabanggit na lungsod.
Naaresto naman ng pulisya sa isinagawang follow-up operation ang mga suspek na sina Gary Buenaventura; Jun Gopez, 43; at Jordan Hipolan, 39, pawang mga residente ng Lot 10, Aguho Street, Amparo Subdivision, Caloocan City.
Ayon sa pagsisiyasat nina SPO2 Diocroso Domingo at PO1 Rhustom Ocampo, ng Station Investigation Branch (SIB), Caloocan City-PNP, dakong alas-8 ng gabi nang maganap ang insidente sa harap ng bahay ng may kaarawan na si Domingo Roquin na matatagpuan sa Rimas St., Amparo Subd., Brgy. 179 ng nasabing lungsod.
Nabatid, kasalukuyang nag-iinuman ang mga nabanggit na biktima nang biglang dumating ang tatlong suspek sakay sa magkahiwalay na motorsiklo kung saan walang sabi-sabing nagpaulan ng bala ng baril.
Ilang saglit lamang ay duguang humandusay ang mga biktima, nagresulta ito nang pagkasawi ng tatlo katao at nasa kritikal naman ang dalawa pa. Mabilis na nagsitakas ang mga suspect na nadakip din sa isinagawang follow-up operation. Inaalam pa ng pulisya kung ano ang motibo sa isinagawang pamamaril ng mga salarin.
- Latest
- Trending