Bagsak sa kulungan ang isang 26-anyos na ina makaraang pagmalupitan sa pamamagitan ng pambubugbog at pag-untog ng ulo sa pader ng kanyang 4-anyos na anak na ngayon ay nasa kritikal na kalagayan, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Kasalukuyang nakapiit sa Pasay City Police ang malupit na ina na nakilalang si Maria Salvacion, ng Bgy. 172, F.B. Harrison St., nabanggit na lungsod na nahaharap ngayon sa kaukulang kaso.
Halos mabasag naman ang bungo at kasalukuyang ginagamot sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktima na itinago sa pangalang “Lyka” na nagtamo rin ng mga sugat sa ulo at pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan na gawa ng sariling ina.
Batay sa ulat ng Women’s Children and Concerned Desk (WCCD), dakong alas-8 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng mag-ina sa nabanggit na lugar. Nagbunsod umano ang pagmamalupit ng ina dahil sa pagiging malikot na anak kaya nakuha nitong saktan at inuntog pa sa pader ang ulo ng paslit.
Ilang kapitbahay naman ng mag-ina ang naglakas-loob na magsumbong sa Department of Social Welfare and Development(DSWD)-Pasay City na nagresulta upang arestuhin ng pulisya ang una. Duguan naman ang biktima nang dalhin ito sa nasabing pagamutan ng kanilang mga kapitbahay.
Sa panayam naman ng PSN sa ama ng bata na ayaw magpabanggit ng pangalan, matagal na raw niyang alam na sinasaktan ng kanyang misis ang kanilang anak subali’t nitong huling insidente raw ay naging marahas na ito. (Rose Tamayo-Tesoro)