Nailigtas na maging pulutan ang may 100 aso buhat sa Batangas matapos na masabat ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) habang ibinibiyahe ng dalawang lalaki, kamakalawa ng gabi sa nabanggit na lungsod.
Nakaditine ngayon sa QCPD-Anti Carnapping unit ang mga suspek na sina Ramon Manalo at Wilson Casilo, kapwa tubong Rosario, Batangas. Nabatid na pamilyar na sa pulisya ang dalawang suspek dahil sa tatlong beses nang nahuhuli ang mga ito sa pagbibiyahe ng mga aso.
Nabatid sa ulat na nagsagawa ng checkpoint ang pulisya sa panulukan ng EDSA at Timog Avenue dakong alas-9 ng gabi matapos na humingi ng tulong ang non-government organization na Animal Welfare Society ukol sa nagaganap na walang humpay na pagbiyahe ng aso na ginagawang pulutan sa Hilagang Luzon.
Dito naharang ang minamanehong jeepney ng mga suspek na naglalaman ng may 100 aso na nabili sa Rosario, Batangas at nakatakda sanang dalhin sa Baguio City upang ibenta sa mga restaurant at pamilihan. Pumapatak sa P600 ang bilihan kada isang aso.
Sa kabila ng pagkakadakip, matapang pa rin ang dalawang suspek na nagmatigas na wala naman silang masamang ginagawa dahil sa nagtatrabaho lamang sila. Haharapin na lamang umano nila sa korte ang anumang kaso na isasampa laban sa kanila.
Dismayado naman ang Animal Welfare Society sa pangunguna ni Ramona Consuji sa patuloy na paglabag sa Anti-Animal Cruelty Act dahil sa mababa lamang ang parusa sa mga mapapatunayang nagkasala dito. Ayon kay Consuji, dapat na umanong itaas ang parusang 2 taong pagkakulong at napakababang piyansa na nakalaan dito. (Danilo Garcia)