Palaisipan pa sa pulisya ang umano’y ginawang pagpapatiwakal ng isang 24-anyos na binata matapos itong magbaril sa dibdib ng isang shotgun kahapon ng madaling-araw sa Navotas City.
Nasawi noon din ang biktimang si Cesar Barcelona Malicsi, ng 242 Governor A. Pascual Street, Barangay Sipac ng nabanggit na lungsod. Ayon sa report, dakong alas-3 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa loob ng kuwarto ng biktima sa naturang lugar. Nabatid na nagluluto ng almusal ang ama nitong Cornelio Malicsi, nang marinig ang malakas na pagsabog na nagmula sa silid ng biktima.
Agad na tinungo ng matandang Malicsi ang pinagmulan ng pagsabog at laking gulat nito nang makitang duguang nakahandusay ang biktima katabi ang ginamit nitong shotgun. Hindi pa mabatid ng pulisya kung ano ang motibo sa ginawang pagbabaril nito, gayunman inaalam pa rin ng pulisya kung may naganap na foul play sa insidente. (Lordeth Bonilla)