Umaabot sa kabuuang 6, 533 security forces ang imomobilisa upang mangalaga sa seguridad ng mga delegado at iba pang VIPs na dadalo kaugnay ng gaganaping ika-40 ASEAN Ministerial Meeting at 14 Regional Forum sa Philippine International Convention Center (PICC) sa darating na Hulyo 29-Agosto 2.
Ito ang inihayag kahapon ni Deputy Director General Avelino Razon Jr., National Task Force Commander ng ASEAN sa ginanap na Talakayan ng Isyung Pampulis na dumayo sa PICC kahapon.
Si Razon, kasama si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Reynaldo Varilla at iba pang opisyal ng PNP ay nagsagawa ng security inspection sa PICC na siyang venue ng pagpupulong na dadaluhan ng 27 delegasyon na binubuo ng 4-6 katao bawat isa mula sa sampung bansa sa ASEAN at ilang kaalyado nito.
Kabilang dito ay ang Japan, Malaysia, Republic of Korea, Thailand, Vietnam, Myanmar, China, India, Brunei, Indonesia, Mongolia, Malaysia, Pakistan, Srilanka, Bangladesh, mga kaalyadong bansa mula sa Canada, Russia, New Zealand Australia, Papua New Guinea, Laur, Timor Leste, Estados Unidos atbp.
Ayon pa kay Razon, ang 6,533 security forces ay bubuuin ng 600 tauhan ng Armed Forces of the Philippines-National Capital Region Command (AFP-NCRCOM), 200 mula sa Metro Manila Development Authority (MMDA) , 45 mula sa Philippine Coast Guard (PCG) at ang nalalabi pa ay mula naman sa mga elemento ng PNP.
Sinabi ni Razon na bagaman wala naman silang natatanggap na intelligence report hinggil sa posibleng paghahasik ng terorismo at kaguluhan ng mga terorista sa ASEAN Ministerial Meeting ay mas mabuti na ang nakahanda sa lahat ng oras para mapigilan ang anumang pananabotahe sa okasyon. (Joy Cantos)