Limang tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang sinuspinde sa tungkulin matapos na ireklamo ng isang negosyanteng ginang ng iligal na paghuli sa kanya at pagtangay ng mahigit P800,000 kamakailan sa Novaliches, ng naturang lungsod.
Ipinag-utos ni Sr. Supt. Magtanggol Gatdula, QCPD Director, ang pagpapa-relieved kay Sr. Insp. Erwin Guevarra, hepe ng Station Anti-Illegal Drugs ng QCPD Station 4 at sa apat pa nitong tauhan na hindi muna binanggit ang pangalan.
Ito’y matapos na dumulog sa tanggapan ni Gatdula ang biktimang nagpatago sa pangalang Mrs. Gonzales dahil sa takot na balikan ng mga suspek habang kasama rin nito si Commissioner Wilhelm Soriano ng Commission on Human Rights.
Sa reklamo ni Gonzales, nagpapalit siya ng dolyares sa isang money changer at nagtungo sa isang fast food restaurant sa Novaliches upang kumain kasama ang 6-anyos na anak at driver. Pauwi na sila nang parahin ng limang armadong lalaki na nakasibilyan at nagpakilalang mga pulis.
Sa kabila na walang paglabag sa batas, isa sa mga suspek ang nagmaneho ng kanilang sasakyan. Dito nanghingi umano ang mga suspek ng P2 milyong piso na naibaba sa P800,000. Tinangay rin umano ng mga suspek ang kanyang bag na naglalaman ng P20,000 at US$700.
Magdamag rin umano silang ikinulong ng mga pulis sa Novaliches police station sa kabila na walang kasong isinasampa at pinakawalan lamang ng makapagbigay ng hinihinging halaga. Agad namang nagtungo ang biktima sa tanggapan ng CHR kung saan nagsampa ng reklamo laban sa mga pulis. Nakatakda rin namang magsampa ng kaso ang biktima sa korte upang mapanagot ang mga suspek sa naturang krimen.
Iginiit naman ni Gatdula na isasailalim ngayon sa masusing imbestigasyon ang mga inirereklamong pulis kung saan hindi siya mangingiming patalsikin sa serbisyo at sampahan ng kasong kriminal sa oras na mapatunayan ang pagkakasala. (Danilo Garcia)