Nasa kritikal na kondisyon ang isang batang lalaki, na apo ng isang tabloid photo journalist matapos itong aksidenteng makainom ng oxalic acid (chlorine powder), na inakalang asukal at naihalo sa gatas ng biktima sa Caloocan City, iniulat ng pulisya kahapon.
Inoobserbahan pa hanggang sa ngayon sa Inten sive Care Unit (ICU) ng Manila Central University (MCU) Hospital ang biktimang si Khalil Isaac Peña, 1 taong gulang, apo ni Nick Galino, photographer ng pahayagang Tanod at naninirahan sa #76 Masagana St., Samson Road ng nasabing lungsod.
Sasampahan naman ng kasong reckless imprudence resulting to frustrated homicide ng pulisya si Lorena Guillermo, katulong ng kapit-bahay ni Galino sanhi ng umano’y kapabayaan nito.
Sa naantalang report na nakarating sa Caloocan City-PNP, naganap ang insidente, dakong ala-1 ng hapon noong Hulyo 19, 2007, nabatid na inutusan ni Margareth (anak ni Galino) ang pitong taong gulang na anak na si Kenneth Ian, na bumili ng asukal sa tindahan na pag-aari ni Cynthia de Guzman, kapitbahay ng pamilya ng biktima. Katulong sa nabanggit na tindahan si Guillermo.
Sa halip na asukal ang ibigay ay oxalic acid ang naibigay ni Guillermo hanggang sa ito nga ang maihalo sa gatas na kinanaw sa biktimang si Khalil Isaac. Nabatid na naihalo ang chlorine sa itinitindang asukal.
Hindi pa nagtatagal ay bumula na ang bibig ng paslit hanggang sa isinugod ito sa pagamutan. (Lordeth Bonilla)