Lola nilapa ng pitbull, patay

Matatalim na pangil ng asong pitbull  ang tumapos sa buhay ng isang 56-anyos na lola matapos itong lapain, habang nasa kritikal namang kondisyon ang 2 anyos nitong apong babae sa Marikina City kahapon ng tanghali.

Ayon kay Dino Noel Cruz, ng Marikina Rescue 161, kinilala ang nasawing matanda na si Zenaida Sebas­tian, residente ng # 87 Fermalin Homes, East Drive, Brgy. Fortune ng nasabing lungsod.

Ang matanda ay dead-on-arrival sa Garcia Hospital sanhi ng tinamong malalim na kagat sa ulo, leeg, at iba pang bahagi ng katawan na alaga mismo ng pamilya Sebastian na nakawala sa kulungan kung saan ay hinihinala itong naulol.

Sinabi ni Cruz na naunang isinugod sa Amang Ro­dri­guez Hospital ang apo ng matanda na si Stephanie subali’t dahilan sa maselan nitong kalagayan ay inilipat ito sa San Lazaro Hospital.

Batay sa imbestigasyon, kasalukuyang naglalaro ang batang si Stephanie sa garahe ng kanilang tahanan nang biglang daluhungin ng pitbull at pagkakagatin ang nasabing musmos.

Nang marinig ng matanda ang palahaw ng apo ay sumaklolo ito kung saan ito naman ang napagbalingang kagatin nang nagwawalang  pitbull.

Ayon kay Cruz, tumawag sa Marikina Rescue 161 ang mga kapitbahay ng pamilya Sebastian at mabilis silang nagresponde sa lugar kung saan ng dumating sila sa lugar ay “nag-lock jaw” pa sa braso ng matanda ang pagkakasagpang ng nasabing aso.

Itinurn-over na sa Veterinary Services Office ng Marikina City ang nasabing pitbull para sa kaukulang disposisyon. (Joy Cantos at Edwin Balasa)

Show comments