Epektibo ngayong araw (Sabado) ay ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang full alert status sa Metro Manila kaugnay ng isasagawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa darating na Lunes.
Sa kasalukuyan, ayon kay PNP Chief Director General Oscar Calderon, nakahanda na ang 9,000 pulis sa Quezon City na poposte sa mga kritikal na lugar patungo sa Batasan Complex upang ipatupad ang seguridad sa SONA ng Pangulo.
Inihayag ng opisyal na epektibo alas-8 ng umaga ay imomobilisa ang binuong Super Task Force Kapayapaan sa ilalim ng pamumuno ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Reynaldo Varilla bilang overall supervisor na pangunahing mangangasiwa sa seguridad.
Ayon kay Calderon, inatasan na niya ang mga Regional Directors at Commanders ng National Support Units (NSUs) para magpatupad naman ng heightened alert kung saan ay may kapangyarihan ang mga ito na itaas sa full alert ang kanilang puwersa depende sa sitwasyon.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Samuel Pagdilao Jr., na preparado na ang lahat ng security measures upang supilin ang lahat ng mga bayolenteng aktibidades na maaaring ilunsad ng mga teroristang grupo at mga elementong kriminal upang isabotahe ang SONA.
Inihayag ni Pagdilao na bagaman wala namang natatanggap na bomb threats sa SONA ang PNP ay mas mabuti na ang nakahanda upang matiyak ang seguridad sa nasabing okasyon.